Itong larawan na ito ay ngayon ko lang nakita ngayong 30 anyos na ako.
Marahil after na madevelop ang larawan na ito, ay pinadala na agad ng Nanay ko sa kapatid nyang babae na nasa London - kay Tita Baby - para ma comfort din si Tita Baby doon sa London kahit malayo sya ay di rin sya gaanong nalulungkot sa UK kasi regular na nag papadala ng sulat at mga larawan ang Nanay ko sa kanya.
Maraming naipadalang larawan ang Nanay ko kay Tita Baby - at si Tita Baby ay inipon din nya ang mga larawang ito sa isang album.
Nitong Pasko ng 2011, nag padala ng mga balik bayan products si Tita Baby sa amin dito sa Alabang at isa sa mga laman ng bagahe ay itong album ng mga lumang larawan - laman ang mga lumang larawan na pinadala sa kanya ni Nanay noon noon pa - kasama ang larawang ito.
"Diyos ko, buhay pa pala itong mga larawan na ito na pinadala ko kay Tita Baby mo noon!" ang sabi ni Nanay habang binubuklat isa isa ang pahina ng makapal na album.
Sa pagtingin namin sa mga lumang larawan, naroon ang pakiramdam na natutuwa... Nanlalamig... Naiiyak... Natatawa... Pasasalamat... Isang muling silip sa nakaraan...
Ang bilis ng panahon!
Saan napunta?
Kita kita ang pag inog na buhay.
"Naiiyak ako dito Ollie sa larawan na'to - itong yapos yapos mo ang tatay mo" - naluluhang sabi ng Nanay ko...
Sa totoo lang, di ko pa nakita ang reaksyon ni Tatay at kung nakita nya na ba ang larawan naming dalawa na magkayakap - I am sure he did, nasa iisang bahay lang naman kami ni Tatay.
Iniisip ko kung ano naiisip ni Tatay kung titignan nya ang larawan naming dalawa. Alam ko sa sarili ko na sinasabi nya sa sarili nya "Buti pa noong maliit ka nagyayakapan tayo! Nag lalambingan! Lagi kang naka dikit sa akin!"
Sigurado ako na miss ako ng Tatay ko. Miss ng Tatay ko ang mga panahon na yon...
May parte sa isip ko, "Nakaraan na yon Tay, lipas na ang panahon ng paglalambingan natin. Alaala na lang sya! Ang importante ay ngayon...
Sa pag tingin ko sa larawan - Parang natatandaan ko mismo ang sandaling ito, lalo ang mainit na pakiramdam noong kayakap ko sya rito - Yung amoy sigarilyo, yung tusok ng kanyang patubong balbas sa baba at bigote kapag hinahawakan ko, yung magaspang nyang palad... kayang kaya nya akong buhatin!
Isang tipikal na larawan ng ama na nakikipag laro sa kanyang kauna unahang anak..
Alam ko miss na miss ni Tatay ang panahon na yon.
Ako?
Pwede.
Oo.
. . .
Maluha luhang oo.
0 notes:
Post a Comment